Wednesday, October 25, 2006
Sana Makita Ko Rin
Kung balikan ang aking nakaran, masasabi mong hindi ako ang tipong tao na mahilig sa mga bagay na konektado sa sining Pilipino. Kung ang kabuohan nga nang sining ay wala akong hilig, ano pa kaya ang maliit na bahagi ng sining Pilipino, ang literaturang Pilipino. Masasabi mo ngang ako’y may kiling para sa mga bagay na banyaga, at hindi eksepsyon dito ang literatura. Sa kaunting nabasa ko sa literaturang Pilipino, inakala kong kulang sa kasanayan ang literatura ng Pilipinas. Parang Pare-pareho ang istilo ng pagsulat, pare-parehong didaktiko ang nilalaman, pare-pareho lang ang lahat, at kinakailangan pa nito ng pagsasanay. Iyan minsan ang problema ng mga pribadong paaralan sa Maynila. Minsan, sa kanilang pagisip na mas binibigyang galang ang inggles, ay nakakalimutan nilang ipakita ang tunay na kgandahan ng literaturang Pilipino. Mabuti at naibuksan ang aking mga mata sa iba pang klase ng literaturang Pilipino. Natutunan ko na hindi lamang ang klasikal na mga isinulat ang mga maitatawag na literatura. Mapait ang proseso, dahil hindi ako sanay, pero may natutunan din naman. Ang kasukdulan ng aking makabagong pagaaral ng literaturang Pilipino, ay ang pagbasa ng aklat na “Hindi Man Lang Nakita” ni Mesandel Vertusio Arguelles.
Naguluhan ako sa simula, dahil ito ang pinakaunang antolohiya ng mga modernong tula na aking nabasa sa Pilipino. Hindi ko alam kung papaano lapitan ang libro, o kung paano ko babasahin ang mga tula. Hindi ko alam kung paano ko ihahambing ang mga tula sa totoong buhay, o ihahambing ba sa ibang mga tula. Hindi ko pa man nasimulan ang pagbasa sa libro, ay hindi ko na ito nagustuhan. Lumabas nanaman ang pagkapraning ko. Pagkatapos ng ilang araw, ay pailang-ilang kong binuksan ang libro. Ito ang una kong nakita: “Bago ang Mundong Ito.”
Marapat lang na sinimulan ni Arguelles ang kanyang antolohiya gamit ang tulang ito. Dito binibigyang pugay ang kabuohan ng sangnilikha, at ang walang kamatayan na tanong: “Paano nagsimula ang lahat?” Naguluhan ako sa tula dahil hindi ko maisipan ng todo kung ano ba talaga ang paksa nito. Maraming elemento ang ginamit sa tula na nagbibigay ng marami ring mga mensahe tungkol sa paksa. Hinahanap ng persona ang sagot sa kung saan naggaling ang “inihandog na biyaya: tula.” Dito ko nakuha ang ideya na baka iniugnay ng persona ang tula sa isipan ng sangnilikha. Baka nga ay iniugnay niya ang kagandahan ng lirika sa kagandahan ng paglikha ng diyos. Iniugnay niya ang unang linya bilang ang unang tanda ng mundo, at ang proseso ng pagisip at pagsulat ng tula, bilang isang proseso na nasaisip lamang, pero ang produkto ng pagiisip ay isang engrande, at magnipikong bagay. Gannon ang nakuha kong pananaw sa unang tula, at dumadaang ganoon din ang tema ng marami kung hindi lahat ng mga tula. Dumako naman tayo sa tulang “Linyado.” Dumadaan dito ang panahon. Ang unang instante ng paggawa sa mundo ay tapos na, at ngayon nagsisimula ang pagdaloy ng panahon. Nakikita parin natin dito sa tula na iniuugnay parin ng kamalayan ang tula sa sangnilikha. “Walang hanggan ang linyang ito, hindi matutuldukan.” Nakikita natin ang pagugnay ng mga linya ng berso sa kalakihan ng sangnilikha. Totoo naman na kahit malayo na ang narating ng mga tao, at kahit marami na tayong nadiskubre, at marami na tayong naimbentong teknolohiya para gumaan ang ating mga buhay buhay, ay hindi parin natin maabot ang kadulu-duluhan ng sanglikha. Sa ating paglalakbay sa kalawakan, masasabi nating malayo na ang ating narating, at mas malayo pa ang mararating natin, pero hanggang ngayon ay hindi pa natatapakan ng tao ang tierra sa planetang Marso, at hindi pa natin nakikita ang mga ibang malayaong mga galaxy. Maaaring sabihin na hanggat may utak ang tao, ay makakaisip tayo ng paraan na maka abot ng mas malayo patungo sa langit, pero dahil din sa entropiya (enthropy) ay malamang ay may kaduluhan din ang ating pagkabuhay sa mundong ito. Kung isipin naman natin ang paloob, imbis na palabas, ang pinaka maliit na sukat ng “Matter” ay ang “Superstrings.” Ito ay mas maliit sa mga Atoms, Particles, at Quarks, at naroon sila sa limang dimensyon ng realidad. Dahil tayo sa ngayon ay pwede lamang makaabot sa tatlong dimensyon, ay hindi natin malulubusan ang pagaaral sa mga “Superstrings” at maaaring tayo ngayo’y nasa isang “Intellectual Plateau,” kung saan hindi pa tayo pwede magkaroon ng progreso sa larangang ito. Sa ngayon, ay marami ang ating nadidiskubre, at maraming kaalaman ang pumapasok sa mundo ng tao, pero ang punto ay, tayo rin ay may hangganan. Katulad ng nangyari sa mga “Superstrings” maaaring makarating ang tao sa punto na hindi na natin maintindihan ang kasunod. May limitasyon din naman ang tao. Kahit na sinasabing walang limitasyon ang isipan, ay mayroon din ito. Lahat nang ito ang sinusuri ng kamalayan. Ang kalawakan ng sangnilikha, at ang katotohanan na tao nga lamang tayo. May mga hangganan tayo. May mga sagabal tayong hindi talaga natin maitatanggal. Ang mga susunod na linya: “Sa pahina, sa hapag ng abang, pagaabang sa pagdating ng mutya.” Ang pahina dito ay ang mundo natin, o ang kalawakan, sa mga dimensyong espasyo. Basta, parang ang isang tula, ay isinusulat sa papel, parang ang ating mga buhay, kung tadhana man o sariling kaalaman, ay nakasaad sa isang espasyo. Ang ating tula/buhay ngayon, bilang huwaran, ay nakasaad sa isang malaking papel na tinatawag na “Daigdig.” Ang pagaabang dito ay nagtutukoy sa ating paghahanap ng katotohanan. Nakasaad nga na “Nais kong tukuyin ang pinagmulan ng inihandog na biyaya: tula.” Ito ang ating natural na pagkamausisa sa mga bagay na hindi natin alam. Ang susunod na mga linya: “Kaya lumingon ako at nakita, ang manipis na abot tanaw: maaaring iyon ang unang linya, bagama’t hindi ko matiyak.” Nakikita parin ang ating kagustuhan na makita ang katotohanan. Kahit noong bago pa ang kaalaman ng tao, hinahanap na natin ang rason sa mga bagay bagay, at mga explenasyon ng mga penomena na nangyayari. Kung minsan nga, sa sobrang pagkaatat ng taong mahanap ang katotohanan ay gumagawa gawa nalang sila ng sarili nilang katotohanan. Naipapakita din nito na kahit noong simula ay tinanong na natin kung saan tayo nanggaling. Ito ang isa sa pinakaunang isipan na nakapasok sa ating isipan. Ang susunod na mga linya: “Dahil may malaking kasawian sa gitna ng likha at manlilikha.” Dito ay napasok sa aking isipan ang sinabi ng Norwegianong si Jostein Gaarder, na “Kung meron ngang diyos, ay sana’y linagyan man lang niya sana ng pangalan ang kanyang obra.” Ito ang isa pa sa pinakamatandang kaisipan sa mundo. Matapos isipin ng mga tao, “Saan tayo nanggaling?” naisip naman nila na may mas may kapangyarihan na lumikha sa atin. Ang problema naman ay may mga sagabal sa gitna ng likha at manlilikha. Mga susunod na linya: “Manipis ang abot tanaw, ngunit naroon, ang araw, bundok, ang dagat, ang parang. Naroon ang inibig ko bago ang mundong ito.” Ipinapakita naman nito na kaunti palang ang alam ng tao sa puntong ito, para ngang sinabi ni San Agustin, “ang nalalaman natin ay isang kamay na puno ng buhangin, pero ang kakailanganin pang alamin ay ang buong tabing dagat.”Isinasaad din dito na sa kaalaman natin ngayon ay hindi pa natin malalaman kung saan talaga nanggaling ang mundong ito. Pwede lang nating isipin, pero di pa kayang alamin.
Isa pang tula na sumusunod sa ganitong isipan ay ang “Sa Dulo ng Mundo.” Nakikita natin sa mga simula ng libro ang mga tula tungkol sa paglikha ng mundo, at ang paglikha nito. Kung sundan natin ang isipan na ang sangnilikha ay isang tula, ang sinasabi ng nauunang mga tula ay ang diyos ang tagasulat ng tula. Nakikita naman natin dito sa may gitna ng tula na ang tao din ay gumagawa ng sarili niyang tula, na konektado din sa walang hanggang tula na kinabubuhayan niya. Medyo “metafictive” ang tula kumbaga, dahil nakikita natin na ang mga karakter sa loob ng isang malaking tula, ay gumagawa rin ng sarili nilang tula. Nakasaad sa “Sa Dulo ng Mundo”: “Nakaupo ako sa huling pangungusap Ng isang tulang gaya ng inaasahang munting bantas at sa wari ko’y nakaupo sa dulo ng mundo Sa bukana ng di masasabing naghihintay” Nakikita natin na ang persona sa tula ay nasa dulo na ng kanyang buhay, o ng kanyang kakayahan. Nakikita din natin ang bulgar na paggamit ng metapora na tula bilang sangnilikha. Nakikita ito dahil sa linyang “Nakaupo ako sa huling pangungusap.” Nakikita din natin na hinaharap niya ang limitasyon ng kaalaman ng tao, o ang “bukana ng di masasabing naghihintay.” Ito ang isa sa mga katibayan ng argumento ko kanina tungkol sa limitasyon ng tao. Ang mga susunod na linya, “Sa aking likuran, ang lahat na dumaang salita, Bigat na hindi ko makakayang buhatin kailanman,” ay nagpapahiwatig din ng limitasyon ng tao. Hindi niya kakayaning alamin ang lahat tungkol sa mundo. Nakikita din natin ang ideya na ang kaalaman ng tao, na napagtipon-tipon ng panahon, ay hindi kailanman pwedeng alamin ng isang tao. Lahat nang kaalaman ng tao mula sa unang berso hanggang sa dulo, ay hindi maaaring mailagay ng buo sa loob ng pagiisip ng isang indibidwal. E kung ang nalalaman natin hanggang sa puntong ito ay hindi natin makumpleto at maisip lahat, ano pa kaya ang kabuohan ng kaalaman. Ang sunod na mga linya ay parang nanggaling sa librong Rebelasyaon sa Bibliya. “Nilingon ko sila sa abot ng buong pagkaunawa sa anumang pagkakasala na nakapaloob sa pagbuo ng anyo at nilalaman Hindi upang igawad ang pangwakas ng husga at husgahan ang aking kamay na nabahiran ng tinta.” Dito naman nakikita ang pagkatakot para sa mga nagawang kasalanan sa mundo, at ang pagsisisi para sa mga nagawa at di nagawa (omisyon). Maaaring angkop ang anekdota na si San Pedro ay naghihintay sa mga pintuan ng langit upang tingnan kung nararapat nga ba tayong pumasok sa langit. Maaari ding angkop ang didaktikong linyang “nasa dulo ang pagsisisi.” Nakikita parin sa parteng ito ang paggamit ng metaporang pangtula, o sa pagsulat ng tula. Inisip ko sa simula ng libro na maaaring ang diyos mismo ang katauhan sa libro, pero ang linyang, “Hindi upang igawad ang pangwakas ng husga at husgahan ang aking kamay na nabahiran ng tinta” ang nagsabi saakin na imposible ito. Ang tulang ito ay medyo apokaliptik. Ang mensahe ay tungkol sa dulo ng buhay ng tao, at ang pagsisisi sa dulu-duluhan ng mundo. Ang susunod na mga linya: “Batid ko ang takda ayon sa ginagampanang papel, at doon ko ibig mahimlay bilang pagpupugay sa likhang pinagdaanan ng mundo.” Dito naman, sinasabi ng katauhan na ang kanyang “kamay na binahiran ng tinta” na nagsisimbolo na sumunod siya sa mga patakaran ayon sa kanyang “ginampanang papel.” Maaaring sabihin natin na kahit nagsisisi siya dahil sa kanyang mga nagawa at di nagawa, ang konswelo niya ay ang nagawa niya ito dahil ito ang nakasaad na gagampanan niyang papel. “Escapism” pag isipin, o parang baling moralidad. Sabi nga sa “Beerkada,” “Conswelo de Bobo.” Sa Libro, parang may pagkasunod sunod ang mga tula. Para nga ng sinabi ko, nagsisimula ito sa paano nagsimula ang tula. Nakikita ito sa mga tulang katulad ng: “Bago ang Mundong Ito,” “Linyado,” at “Sa Mga Pagkakataon.” Sa may gitna naman, binibigyan puri ang kagandahan ng tula, at patuloy na hinahangaan ang misteryo ng pagkagawa ng tula. Ang susunod ay ang pagtingin sa sarili upang maintindihan ang sarili bilang parte, o tagagawa rin ng tula. sa may dulo naman ay kung paano unti unting nakalimutan, o unti unting namatay ang tula. Sa dulo naman, ay binibigay ang mga pinal na leksyon na gustong ipahiwatig ng persona. Meron lamang isang di ko maintindihan kung bakit nasa gitna, pero dapat, kung tama ang aking pagkasunod sunod, ay nasa may dulohan. Ito ang “Sa Dulo ng Mundo.” Maaaring bagay nga ito sa may gitna, dahil ipinapakita nito ang pagkahinog ng kaisipan ng tao, upang maisip niya naman di lamang ang “saan tayo nanggaling” kundi pati na rin ang “ano ang pwedeng mangyari sa hulihan ng lahat.”
Ukol naman sa mga duluduluhan ng libro, kung saan medyo pinal ang tono, titingnan natin bilang example ang “Ilang Huling Salita.” Ang simulang mga taludtod: “May mga bagay na mas mainam kung hindi sasabihin. Hayaan na subukin ang sadyang pagnanasa na maunawaan sa pagitan ng mga salita.” Nakikita dito na parang pinaglalaruan tayo ng diyos. Parang kusa pagiwan niya sa atin sa dilim sa ibang mga bagay bagay. Parang hindi niya tayo binigyan ang kapabilidad na maintindihan at malaman ang lahat, para maihusga kung gaano kalakas ang ating kagustuhang malaman ang katotohanan anong ekstento ang ating mararating para sa katotohanan? Ang susunod na mga linya: “Kung makatitiis na hindi makapagsabi, baka Bukas-makalawa ay sasaatin ang ganap na pagunawa, kung hindi sa tula, ay sa kabutihan ng tula sa santinakpan.” Naipapakita dito na pinaglalaruan nga tayo ng diyos. Tinatago niya ang kaalaman sa atin para nga “sasaatin ang ganap na pagunawa, kung hindi sa tula, ay sa kabutihan ng tula sa santinakpan.” Sabi nga uli ni Jostein Gaarder, “Para tayong mga langgam sa isang langgaman. Ang diyos ay isang batang may magnifying glass na nagoobserba sa ating mga ginagawa-gawa. Maganda naman ang layunin ng kanyang eksperimento, na baka nga mahanap natin ang pagunawa ng tula, o pagunawa sa mga tanong na nakabalot sa misteryosong mundong ito, o kung di man lang, ay maintindihan natin kung bakit ito itinago sa atin. Madami nga namang tanong sa mundo na hindi talaga mahahanapan ng sagot, kaya bakit naman di tayo bibigyan ng rason para mabuhay. Ang rason ay para maintindihan ang buhay, at ang mundo na kinagagalawan natin. Kung hindi man natin maintindihan ito ng lubos, kahit rason man lamang kung bakit hindi natin maintindihan.
Isa pang nakakaaliw isipin sa tulang ito, ay ang aplikasyon nito sa Sapir-Whorf Hypothesis. Ang sinasabi ng teorya na ito, ay na ang realidad ng tao, ay base sa pagunawa niya, at paggamit ng mga konstrukto ng kanyang lengwahe. Ang maaaring example nito ay ang Pilipino at ang kanin. Sa Amerika, ang kanin, mula pagkapitas hanggang sa pagkaluto at tinatawag na rice. Ito ay dahil hindi sila masyado kumakain ng kanin. Ang kanilang “staple grains” ay wheat o mais. Sa Pilipinas naman, ang kanin ang pinakasikat na staple food, kaya tayo, imbes na isa ang binibigay na pangalan sa kanin ay maraming marami. Ang palay kung hindi pa tinatanggal ang balat. Bigas pag hindi pa luto, Kanin pag luto na, Tutong ang tawag sa sunog na kanin, Sinangag pag pinainit sa mantika na kanin. Marami pang ibang salita sa wikang Pilipino na ginagamit sa araw araw ang konektado sa kanin. Isa pang example nito ay ang salitang niebe. Kaunti lang sa mga Pilipino ang may alam na ang salitang niebe ay “snow” sa Inggles. Ito ay dahil hindi tayo nakakaranas ng niebe dito sa mga tropikal na mga bansa. Sa Alaska naman, mayroong labingapat na salita ang mga Inuit para sa niebe. Ito naman ay dahil importante ang niebe sa buhay buhay nila. Sa mga American indians naman, walang past tense ang kanilang mga salita, dahil naniniwala silang isang paulit-ulit na bilog lamang ang panahon. Naniniwala sila na paulit ulit lamang ang mga araw, kaya dapat hindi na balikan ang nakaraan, kundi ang isipin dapat lamang ay ang ginagawa ngayon. Lahat nga ng meron sila ay ngayon. Sa tulang “Isang Huling Salita,” makikita ang epekto ng Sapir-Whorf Hypothesis sa linyang “subukin ang sadyang pagnanasa na maunawaan sa pagitan ng mga salita.” o mas spesipiko, “sa pagitan ng mga salita.” Dahil ang kaisipan dito ay tinatago ng diyos ang ibang kaalaman para tingnan kung maisip natin ang mga sagot sa ating mga tanong, edi ginagawang parang regalo ang lengwahe. Ito ay dahil ang primerong mensahe ng linya ay para maintindihan natin gamit ang mga salita natin. Nagiging kasangkapan ang salita para maintindihan natin ang mundong kinagagalawan natin, at para maisip natin ang mga tanong na di natin masagot sagot. Ito ang mahika ng salita. Wala tayong magagawa kung wala ang salita. Kung wala ang salita, hindi natin maisusulat ang ating mga kaalaman, o baka nga hindi tayo makapagisip ng mga bagay na hindi lang nararamdaman ng katawan, dahil wala tayong representasyon na maaaring gamitin upang gawing memorya. Hindi rin natin maibabahagi ang ating mga naisip, dahil walang salita, walang sulat, kaya’t hindi magkakaintindihan ang mga tao. Naisabi na nga sa simula na ni isang indibidwal ang kayang alamin ang kasagutan sa lahat, dahil tayo bilang tao ay may limitasyon. Pero, pag maraming tao ang nagiisip at sumasagot ng mga tanong, baka nga ay mahanap pa natin ang sagot sa mga tanong natin. Yan ang maaaring kasukdulan ng tulang “Isang Huling Salita,” baka nga dahil sa salita, ay mahanap natin ang katotohanan. Ang Salita, siya ang susi sa lahat ng kaalaman.
Kung mayroong isang katauhan sa buong antolohiyang “Hindi Man Lang Nakita,” ito marahil ang tao bilang parte ng sangnilikha. Nakikita sa buong antolohiya na ang persona ay isa na nagiisip. Ginagamit niya ang metapora ng tula upang ipakita ang kagandahan, o ang nakikita niyang kagandahan sa mundong ito. Siya rin ay parte ng tula, pero siya rin ang nagsusulat ng tula. Makikita ang temang paghahanap ng katotohanan sa marami kung hindi sa lahat ng mga tula sa antolohiya. Milyong milyong taon nang nabubuhay ang mga tao sa mundong ito. Milyong milyong taon din nilang pinagisipan ang mga retorikang di pa nga masagot hanggang sa kasalukuyang panahon. Ang katauhan ay masasabing kolektibong pananaw ng lahat ng naong nabuhay, nabubuhay, at mabubuhay. Ito ang kanilang walang hanggang paghanap, hanggang, baka nga naman, sa tulong nga ng salita, at sa palad din ng diyos, ay matanaw nila nag katotohanan.
Sino nga naman ang makakapagakala na sa isang simpleng antolohiya ng labinglimang mga tula ay naglalaman ng karamiraming mga palaisipan. Masasabi nga na nilalaman nito ang buong kasaysayan ng tao, at ang kanyang walang tigil na paghanap. Hindi ko masasabing bago ang mga pagiisip na ganito. Kung masdan lang mabuti, marami nang nauna sa mga isipang ganito, at mas marami pa ang nakaisip na ang mga salita ang pundasyon ng kaalaman. Ano ang kakaiba sa librong ito? Nabasa ko ito. Nabaso ko, at nakakuha ako ng kahit kaunti ng kaalaman ng may akda. Baka balang araw ay ipamahagi ko rin ang aking kaalaman. Kung sa bagay... ako man ay parte ng persona ng antolohiya. Ako ay parte din ng tula. Ako din, ay tagasulat din ng tula. Hindi lang ito ang antolohiya ng mga tula ng may akda, ito ang antolohiya ng aking pagkatao. Ito ang antolohiya ng tao.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment